Speech by Eddie Dorotan, MD, MPA
(UP Diliman Premed’77, UP Manila Med’81)

At the 112th Commencement Exercises of UP Manila, August 29, 2021 with the theme:

Sama-Samang Pagbangon Tungo sa Makabuluhang Pagbabago

PAGBATI

Isang malusog at mapagpalayang araw po sa ating lahat!

Una, pagbati po sa mga magtatapos ngayong taon: mga bagong doktor, dentista, nars, midwives, public health experts, pharmacists, physical at occupational therapists kasama ng mga speech and audio specialists, mga gurong pangkalusugan, at sa mga nagtapos sa larangan ng agham at sining. Kayo po ang matagumpay na Batch #730 ng UPManila’21. Congratulations po!

Pangalawa, saludo po ako sa mga nanay at tatay, sa mga kapatid, lolo at lola na walang sawang umalalay sa mga nagtapos.

Pangatlo, salamat po sa mga guro at mga propesor – maunawain o terror man sila.

Pang-apat, pagpupugay po sa mga nangangasiwa sa UP Manila lalo na kay Chancellor Carmencita David-Padilla, Vice-Chancellor Nymia Simbulan, Vice-Chancellor Armando Crisostomo, Vice- Chancellor Michael Tee at Vice-Chancellor Arlene Samaniego; sa mga dekano ng mga kolehiyo, at sa UP System sa pangunguna ng ating University President na si Atty. Danilo Concepcion.

Higit sa lahat, taos pusong pasasalamat sa Poong Maykapal sa lahat ng biyaya na binigay sa atin sa kabila ng matinding krisis na hinarap, hinaharap at haharapin pa sa darating na panahon.

PAGPAPAKILALA

Simulan ko po sa kwento ng buhay ko. Sana makapulot kayo kahit kaunting aral dito.

Ako po ay tubong probinsya. Ipinanganak ako sa mahirap na bayan ng Irosin sa Sorsogon. Nakapagtapos ako sa isang public elementary school na kung saan nakasalamuha ko ang maraming mahihirap na mga bata ngunit punong-puno ng sigla at pag-asa.

Masuerteng ipinasa ko ang napakahirap na entrance exam ng Ateneo de Manila High School, at doon po naitatak sa isip ko ang misyong Hesuita na Men-for-Others.

Pagpasok ko po sa UP Diliman noong 1973, Martial Law na. Naging aktibista ako laban sa rehimeng Marcos. Alam niyo po, ang isang kong kapatid (Manuel) na graduate ng UP Engineering ay na- torture, binaril at itinapon sa isang dry well.

Bilang Presidente ng UP Student Catholic Action at sa pamamagitan ng aming Barrio Work na programa, ginawa po naming makipamuhay, makiisa, at makilaban kasama ang mga magsasaka at mga manggagawa. Minsan pong pinalibutan kami ng mga armadong alagad ng gobyerno sa UP Delaney Hall, katabi ng UP Chapel, at dinampot kami kasama ang mga magsasakang nag- seseminar tungkol sa Kristiyanong Pamumuhay. Dinala at ikinulong kami sa isang kampo.

Pinalad akong natanggap sa UP College of Medicine. At habang nag-aaral ng anatomy, biochemistry, pathology, pediatrics, surgery, obstetrics, internal medicine – sabay naming ipinatupad ang mga programang pangkalusugan para sa mga mahihirap na barangay ng Tagaytay at Manila. Dito po nabuo ang samahang Lingap Para sa Kalusugan ng Sambayanan o LIKAS. Kasama ko po dito na nag-umpisa sina Dr. Pia at Jam Malanyaon, Dr. Noel Guison, Dr. Risa Casals, at Dr. Carmel Delgado, na pumanaw bago kami mag-board exam dahil sa Typhoid Fever na nakuha sa internship sa Capiz. Sa panahong eto rin po nabuhay ang aming unang anak na si Maria Malaya, na isang doctor na rin at graduate din po dito sa UP College of Medicine.

Pagkatapos ko ng Medisina, umuwi ako kaagad sa Sorsogon at naglunsad ng Community-Based Health Program laban sa tuberculosis, paragonimiasis, schistosomiasis, amoebiasis at ibang pang sakit na laganap sa mga komunidad. Dito ko natutunan na kung gusto mong maibsan ang problema sa kalusugan, kailangan palakasin mo ang kapangyarihan ng mga mamamayang mag- aruga sa kanilang sarili, pamilya at pamayanan.

Naging hepe ako ng Irosin District Hospital at ng apat na Rural Health Units na kung saan ay pinaigting namin ang implementasyon ng District Health System. Natuto akong mag-spinal anesthesia, mag-caesarian section, intestinal anastomosis, hysterectomy, repair of cleft lip and palate, mag-amputate, at iba pa – sa pamamagitan ng learn-by-doing. Pinalakas din namin ang maayos na referral system mula sa barangay papunta sa RHU at sa ospital.

Nang ipinasa ang Local Government Code of 1991, na kung saan ang mga ospital ay mapapasailalim sa Governor at ang mga RHUs ay sa Mayor, napilitan akong mag-Mayor ng aming bayan.

Noong panahon na yon, na-realize ko na mas madaling manalo sa eleksyon ngunit mas mahirap baguhin ang sistema ng pag-go-gobyerno.

Hininto po namin ang jueteng at mga illegal na sugal; pinagbawal namin ang barilan ng NPA at military sa pamamagitan ng localized peace zone initiative; at ipinatupad ang pagbabahagi ng lupa sa mga walang lupa.

Pinaigting din namin ang mga programang pangkalusugan, pang-edukasyon, pangkabuhayan, at pangkalikasan. Higit sa lahat inorganisa namin ang mga mamamayan na makilahok sa pag-go- gobyerno.

Fast forward, pinagpatuloy ko po ang pag-aaral ng public health at public administration at pagkatapos ay naging consultant sa ibat-ibang international at national development agencies pati na sa mga lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng kalusugan, kapayapaan, kalikasan, at kabuhayan sa pamamagitan ng matino at mahusay na pamamaha.

Napakapalad po akong saksihan bilang Executive Director ng Galing Pook Foundation ang mga magagaling na pook na gumagawa na mga magagaling na programa sa buong bansa. Kasama po dito ang:

  • Pagtatanim ng mungo ng San Mateo sa Isabela – para ibalik ang kalusugan ng lupa at para matugunan ang problema ng malnutrisyon
  • Pagpapagawa ng mga disenteng tahanan para sa mga mahihirap ng Valenzuela City
  • Pag-awat ng armadong alitan ng MNLF at gobyerno sa pamamagitan ng organic farming sa Kauswagan, Lanao del Norte
  • Pagsulong ng tamang eco-tourism sa Bohol,
  • Pagtaas ng kalidad ng edukasyon sa mga mag-aaral na Teduray sa Upi, Maguindanao; at,
  • Paglikay sa droga na walang pinapatay sa General Santos City.

Pabalik na po sana ako noong nakaraang taon sa Sorsogon para maging simple but groovy country doctor muli at sabi ko nga ay mamuhay ng simple ngunit makabuluhan bilang isang monghe.

Ngunit dumating po si Covid-19.

Agad binalangkas namin ang Covid 19 Action Network ng mga NGOs, POs, academe, at ibang pribadong sektor para tulungan ang national at local na pamahalaan na labanan at sugpuin ang pandemya. Abala rin po ako ngayon sa National Immunization Technical Advisory Group or NITAG na tumutulong sa pagpapatupad ng tama at angkop na pagbabakuna.

PAGLUGMOK

Tayo po ngayon ay nasa maigting na krisis.

Bagamat masaya tayong lahat sa araw ng pagtatapos ng ating mga iskolar ng bayan, malungkot at natatakot din po tayo dahil sa maigting na krisis natin ngayon.

Matapos ang isa at kalahating taon na lockdown natin dahil sa pandemya, hindi pa rin natin mapuksa ang Covid-19.

Saksi po ako sa ilang kaibigang doktor na namatay sa Covid-19. Marami po akong ginamot na mga pamilyang nagka-Covid at bakas po sa kanila ang takot at pagkabahala. Ang hindi ko po makakalimutan ay yung mga pasyenteng ni-refer ko sa mga ospital ngunit tinanggihan dahilan sa dami ng mga kaso. Ilan po sa kanila ay namatay ng walang kalaban-laban dahil hindi man lang natingnan ng doktor o namatay habang naghihintay na matingnan.

Batid ko pong bawat isa sa atin dito ay may kanya-kanyang malulungkot na karanasan at kwento.

Kakaunti pa lang ng 110M Pilipino ang nabakunahan ng buo. Bagamat marami na sa hanay ng mga frontline health workers ang nabakunahan, kaunti pa rin po ang nababakunahan na mga matatanda at mga taong may sakit, Alam nating 64% ng mga namamatay sa Covid-19 ay matatanda. Ang mga variants of concern tulad ng Delta ay patuloy na nagbabadya ng pabalik- balik na pagtaas ng mga kaso.

Dahil sa pandemya, lugmok po ang ating ekonomiya: 3.8M walang trabaho, dumami ang mahihirap, marami ang nagugutom; 49% ng pamilya ang nagsabi na mahirap sila (SWS, April to May 2, 2021), umigting ang di pagkakapantay pantay; mas yumaman ang mga dati ng mayayaman at mas humirap ang dati ng mahihirap.

Hirap na hirap din ang ating mga guro at estudyante sa larangan ng edukasyon. Marami ang hindi maka-angkop sa sistemang hybrid o blended learning. Meron tayong mga kasama na mentally at psychosocially challenged. Alam ko rin pong nahirapan kayo sa mga clinical subjects nyo na kailangang mag face to face sa inyong pasyente para makita, makausap at ma-eksamen sila.

Ang tugon ng pamahalaan sa krisis ay kulang. Ang pamamahala na bakal, suportado ng mga kawaning mayayabang, tiwali at pa-epal – ay hindi nagbibigay ng akmang tugon at pag-asa sa bayan; bagkus ang mahilig magmurang pamumuno ay nagpapalaganap ng pagkabahala at takot sa mga mamamayan, lalo pa kung hindi natin alam ang katotohanan at laganap ang fake news.

Saludo sa UP Manila Community

(painted by Vicky Casimiro-Sarmiento)

Ngunit saludo ako sa sector ng kalusugan, lalo na sa UP Community sa pagtulong sa paglaban sa Covid19:

  • Salamat kay Chancellor Dr Carmencita David-Padilla sa pagbuo ng Bayanihan Call Service para sa mga pasyenteng may Covid-19 at sa pagtaguyod ng 523 researches o pananaliksik tungkol sa Covid-19
  • Sa UP-PGH sa pamumuno ni Dr. Gap Legaspi sa pag-aalaga sa mga may sakit ng Covid-19
  • Sa UP NIH lalo na kina Dr Eva Cutiongco-delaPaz, sa paghahanap at pag-analisa ng mga Covid-19 variants; kay Dr Raul Distura sa paglikha ng mga RT-PCR tests; Kay Dr. Cecille Maramba-Lazarte ng Institute of Herbal Medicine sa pag-aaral ng lagundi bilang nakakatulong na halamang gamot sa mga banayad na kaso ng Covid-19
  • Sa mga taga UP Manila na tumutulong sa Vaccine Expert Panel, Health Technology Assessment Council, Technical Assistance Group, at sa mga kasama ko sa National Immunization Technical Advisory Group
  • Sa Health Professionals Alliance Against Covid-19 at sa Covid-19 Action Network or CAN
  • At sa marami pang iba na manggagawang pangkalusugan.

MGA ARAL SA KRISIS

May tatlong aral ang mahahango natin mula sa krisis nitong pandemya.

Una, hindi kaya ng mga eksperto at gobyerno lang ang pagsugpo sa Covid-19. Kailangan na ang bawat isa sa atin ay tanggapin ang responsibilidad na matuto, umangkop at gumawa ng mga malikhaing paraan at solusyon.

Pangalawa, balakid daw ang mga hakbang pangkalusugan tulad ng pag-mask, pag-lockdown, pag- quarantine at iba pang paghihigpit – sa pag-unlad ng ekonomiya. Pero ang mga eto ay bagkus susi sa patuloy na pagbubukas at pag-unlad ng ekonomiya.

Pangatlo, naniniwala akong lilipas din ang Covid-19. Karaniwang tumatagal ang mga pandemya ng labingdalawa hanggang tatlumpung-anim (12-36) na buwan. Kaya po nating sugpuin ang Covid19 kung magkakaisa tayong gawin ang anim na hakbang: una – maghugas ng kamay, magsuot ng mask, dumistansya at iwasan ang maraming kumpulan; pangalawa – maayos na bentilasyon sa mga opisina at transportasyon; pangatlo – travel restrictions kung kinakailangan; pang-apat – tamang lockdown kung may mga surges o pagtaas ng mga kaso; pang-lima – pagbabakuna ng pitumpong porsyento (70%) ng populasyon lalo na ang mga matatanda at may mga sakit; at pang-anim – patuloy na testing, contact tracing or case finding, isolation and treatment.

Kailangan matuto po tayong mamuhay kasama ang virus.

PAGBANGON AT PAGBABAGO:
Tungo sa Ligtas, Matatag, Matalinong Pamayanan

Sa pagbangon natin, kailangan hindi tayo bumalik sa dating normal. Kailangan nating hubugin ang bagong normal tungo sa mga Ligtas, Matalino at Matatag na mga Pamayanan.

Hindi ligtas sinuman hanggat bawat isa ay ligtas. Kaya, dapat isulong natin ang kalusugan ng bawat ng Pilipino. Ang kalusugan ay hindi lamang karapatan ngunit isang responsibilidad. Ang bawat mamamayan ay dapat bigyan ng kapangyarihang alagaan ang sarili at ang kanyang pamilya.

Ang ligtas na tubig, kalinisan ng kapalibutan at iba pang mga pamamaraan sa kalusugan ng publiko tulad ng pagbabakuna ay kagalingang pampubliko na dapat isagawa anuman ang antas pang-ekonomiya, kasarian, relihiyon at politika.

Ang de-kalidad na pangangalaga ng kalusugan mula sa pag-iwas, simpleng paggagamot ng pasyente, mga pagpapa-ospital at rehabilitasyon ay dapat abot kaya ng lahat. Sa panahon ng pandemya, sinasabi ng mga eksperto na “Ang Pangkalahatang Pangangalaga sa Kalusugan or Universal Health Care” ay hindi lamang isang kaligtasan ngunit isang usapin ng pambansang seguridad.”

Bagamat magkaka-hiwalay tayo na pampisikal, konektado naman tayo dahil sa teknolohiya (or digital platforms like zoom at social media). Dapat isulong natin ang mga magagaling at matatalinong programa at pangangasiwa sa tulong ng siyensya at teknolohiya. Ang bawat pamayanan ay kailangang maiugnay sa internet upang ang mga mamamayan ay malapit sa mga serbisyo – pribado man o pampubliko. Maaaring gumamit ng mga artificial intelligence at blockchain na teknolohiya upang gawing mas epektibo at mahusay ang mga serbisyo.

Sa pamamagitan ng “e-governance”, maaari mapabilis ang mga serbisyo sa tao at mabilis din makatugon ang mga tao. Mabisang paraan din eto para mabawasan ang katiwalian. Ang telemedicine, contact tracing, GPS, social media – ay mga platapormang nagpapadali sa mas mahusay na pamamahala. Ngunit kailangang mabantayan din at maitama ang fake news parehas ng mula sa mga anti-vaxxers o kontra bakuna.

Dapat tayong makabuo ng bagong normal na tungo sa patuloy na pag-unlad o sustainable: may disenteng pamumuhay, matatag at mapagmalasakit na mga pamayanan. Dapat eto ay naka- angkla o base sa katatagan, kakayahang mabuhay at malasakit sa kapaligiran. Maliban sa pagkakaroon ng disenteng trabaho at malinis na kapitbahayan, puede rin ang mga mamamayan maglakad, magbisikleta at kumuha ng abot-kayang transportasyon at higit sa lahat, makapag- ambag sa paglago ng lokal na ekonomiya.

Isa sa mga kapansin-pansin na positibong aral ng pandemya ay ang kakayahan nating mamahagi: pagbibigay ng pagkain sa mga nagugutom, pagdala ng mga health workers sa mga klinika at ospital, pag-uugnay ng mga magsasaka sa mga mamimili o food supply chain, pag-aalaga ng pamilya, kamag-anak at kaibigan. Ang kapaligirang kumakalinga o caring environment na ito ay kinakailangan sa pagpapalit sa malamig, hindi personal at hiwalay na mga kapitbahayan sa ating pamayanan sa kasalukuyan.

Ang Community Pantries na umuusbong sa daan-daang mga lugar sa panahon ng COVID 19 ay nagpatibay ng kapatirang eto:

Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.”

MAGING MAKABAGONG PINUNO: Matatag, Umaangkop at Lumilikha

Sa panahong eto na walang katiyakan na dulot ng pandemya at ng iba pang mga kalamidad at sakuna – at sa ilalim ng nakakagambalang pamumumo – ano ang dapat nating gawin?

Maging mga makabagong pinuno: Matatag, Umaangkop at Lumilikha!
Eto ang aking siyam na mga mungkahi o 9 TIPS para maging resilient, adaptive and innovativeleaders:

1. Magpabakuna. Eto ay hindi lamang proteksion sayo kundi sa iyong pamilya at mga nakapalibot sayo sa trabaho o pamayanan.

  1. Patuloy na mag-aral at palawakin ang kaalaman. Matuto sa karanasan. Palagiang i-angkla sa iyong layunin. Panghawakan mo ang mga bagay na mahalaga sayo.
  1. Makipagkilala sa ibang tao. Kailangan mo ng mga bagong ka-alyado ngunit wag mong kakalimutan ang pamilya at dati mong mga kaklase at kaibigan.
  1. Pakalmahin ang ating mga sarili o calm ourselves. Patahimikin ang ating isipan o quiet our minds. Magdasal, mag-yoga, mag-taichi or mag-zen. Umawit, magpintura, sumulat, tumula. Mag-jogging, umakyat ng bundok, mag-swimming. Pumadyak, mag-bisekleta, o mag-motor!
  1. Umukit ng mga puwang sa ating buhay para sa mga pagkalugi, pagkawalan, pagkamatay – at damhin ang sakit dulot ng mga eto. Ang sabi nga po sa paboritong nyong K-drama, Ok lang na hindi ka ok. Ngunit maniwalang may pag-asa at makakabangon!

6. Lumikha, magsaliksik at magbigay ng mga solusyon sa ating mga kasalukuyan at hinaharap na mga problema. Paano natin ipapatupad ang Universal Health Care? Ano ang mga pagbabago sa ating sistema? Paano tayo makakagawa ng mga makabagong gamot, gadgets, bakuna at iba pang teknolohiya para sa ikauunlad ng kalusugan ng bayan?

7. Do simple acts of kindness. Gumawa ng mga simpleng gawaing mabuti: magpasalamat sa nanay at tatay, magbigay ng ambag, magtanim ng puno, gamutin ang pasyente kahit walang pera.

8. Make people in power uncomfortable. Punahin ang mga taong makapangyarihan at nasa poder. Magsalita. Sumigaw. Itakwil ang mga hindi tama.

9. Magparehistro, makilahok, makibaka, kumilos para iluklok ang mga pinuno at lider na demokratiko hindi diktador, makatao hindi mamamatay-tao, mahusay hindi walang alam, magaling hindi walang kakayahan at matino – hindi bastos at walang galang! Higit sa lahat, ihalal natin ang mga pinunong mapagkakatiwalaan at may tunay na malasakit sa bawat Pilipino, lalo na sa mga abang nasa laylayan ng ating lipunan.

Bawat araw, mayroon kang pagkakataong ipadama at ipakita ang iyong pagiging makabagong lider:

  • Kapag nailabas mo ang mga mahahalagang tanong
  • Kapag nagsalita ka batay sa iyong mga prinsipyo at paniniwala
  • Kapag hinarap mo ang mga alitang hindi nabibigyan ng akmang solusyon
  • Kapag gumawa ka ng kakaiba sa buhay ng mga tao, at
  • Kapag gumawa ka ng kabutihan – kahit maliit lamang – sa kapwa mo.

Hindi ko hangad na lahat kayong 730 na magtatapos ay maging mga sikat na lider o pinuno. Pero ang mahalaga at ang gusto ko ay lahat kayo ay maging Makabagong Pinuno – mga ordinaryong mamamayang Pilipino na matatag, umaangkop sa panahon at lumilikha ng mga bagong paraan sa abot ng inyong kakayahan para sa ikauunlad ng sambayan.

I want all of you to be resilient, adaptive and innovative in these times of uncertainties brought about by the pandemic and other calamities – and under disruptive leaders.

Tandaan niyo, sa sama-sama nating pagkilos, makakabangon din tayo!

Pagpalain nawa tayo ng Diyos!

Mabuhay po kayo!

Maraming salamat po!